MANILA, Philippines - Tinanggap na ng pamahalaan ng Pilipinas ang paghingi ng paumanhin ng Hollywood actor na si Alec Baldwin na may kaugnayan sa biro nito hinggil sa pagkuha ng isang mail-order-bride mula sa Pilipinas upang magkaroon lamang ng mas marami pang anak kasunod na rin nang pakikipag-diborsyo sa kanyang asawang si Kim Basinger.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagpadala na si RP Ambassador to Washington Willy Gaa ng liham sa dayuhang aktor upang ipaabot dito ang pagtanggap ng DFA sa kanyang paghingi ng paumanhin.
Matatandaang sa kanyang blog, nag-apologized si Baldwin sa mga Pinoy dahil sa kanyang biro na ikinagalit ng ilang mambabatas at ng ilang Pinoy community.
Nag-ugat ang kontrobersiya matapos na magbiro ang bida ng comedy hit show na “30 Rock,” sa isang panayam sa kanya noong Mayo 12 sa Late Show with David Letterman, kung saan sinabi nito na, “I think about getting a Filipino mail-order bride at this point or a Russian one, I don’t care, I’m 51.”
Umani naman ng tawanan sa mga manonood ang sinabi ng aktor na sinagot naman ni Letterman ng “Get one for me later.” (Mer Layson)