MANILA, Philippines – Nalalapit nang makauwi sa Pilipinas si dating Police Senior Superintendent Cezar Mancao para tumestigo sa kasong pagpaslang sa publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Inaasahang makakabalik na sa bansa si Mancao pagkatapos niyang magbigay ng sinumpaang-salaysay sa Mayo 21 sa sala ni Judge Esther Salas sa Miami, Florida, United States kaugnay ng habeas corpus petition ng dati niyang kasamahan sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force na si Senior Superintendent Michael Ray Aquino.
Nabatid sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs na hiniling din ni Aquino sa korte na tumestigo para sa kanya ang dati rin niyang kasamahan sa PAOCTF na si Chief Inspector Glenn Dumlao na naging dahilan para maantala ang extradition ng dalawang dating pulis na isinangkot sa Dacer-Corbito murder case.
Nauna rito, pumayag si Salas na magsumite na lang si Mancao ng deposition o sinumpaang salaysay sa alin mang notary public o sa consulate office sa halip na magtungo sa New York at tumestigo sa extradition case ni Aquino.
Kung haharap pa sa korte si Mancao, lalong maantala ang pagbalik niya sa Pilipinas.
Partikular na itinagubilin ng hukom na ang deposition ay limitado lang sa pangangalap ng ebidensya para sa paglikha ng basihan sa extradition ni Aquino.
Sinasabi rin ng mga impormante na malamang sabihin lang ni Mancao sa deposition na wala siyang maibibigay na pahayag na makakatulong sa extradition case ni Mancao. Nananatili ang kanyang paninindigan at pursigido siyang makabalik sa Pilipinas para isiwalat ang nalalaman niya sa Dacer-Corbito case.
Matatandaang ibinunyag ni Mancao na si Senador Panfilo Lacson ang nag-utos na kunin si Dacer. Hepe pa noon nina Mancao, Aquino at Dumlao sa Philippine National Police at PAOCTF si Lacson nang kidnapin at paslangin sa Cavite sina Dacer at Corbito.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez na maaari nang makabalik sa Pilipinas at tumestigo sa kaso si Mancao pagkabigay nito ng deposition.
Sinabi ng kalihim na paghahandain niya si National Bureau of Investigation Director Nestor Mantaring para sunduin si Mancao na aasahang darating sa Pilipinas bago matapos ang buwang kasalukuyan.
Tinangka naming kunan ng komento si Lacson pero hindi siya sumasagot sa mga tawag sa kanyang cellphone.
Naunang sinasabi ni Lacson na ang Malacanang ang nasa likod ng demolition job na ito laban sa kanya sa pamamagitan ng pagpapauwi kay Mancao para tumestigo dahil sa kampanya niya laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Ayon sa tagasuporta ni Lacson na si Lito Banayo, hu mina ang real estate business ni Mancao sa Florida at lagi itong pinaliligiran ng mga kinatawan ng pamahalaan at nangangako sa dating pulis ng kung ano-anong bagay. Ito anya ang maaaring dahilan kaya tinalikuran ni Mancao ang dati niyang boss na si Lacson.
Wala ring katiyakan ang pagbalik ni Dumlao sa Pilipinas dahil nagsampa siya ng motion for reconsideration sa sala ni Salas. Sinasabi ni Dumlao na gusto niyang tumestigo sa extradition case ni Aquino sa New York.