MANILA, Philippines - Umapela si Senator Francisco “Kiko” Pangilinan kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales na makiisa sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kontrobersyal na pagkamatay ng asawa ng ABS-CBN news anchor na si Ted Failon.
Si Rosales umano ang sinisisi sa mabagal na pagpapalabas ng resulta ng pinal na imbestigasyon ng NBI kaugnay sa pagkamatay ni Trinidad Etong.
Ayon kay Pangilinan, kailangang magbigay na ng pahayag si Rosales upang matapos na ang usapin at kung walang dapat itago ay dapat magsalita na ito.
Marami umano ang naniniwala na si Rosales ang nag-utos sa mga tauhan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) upang arestuhin si Failon, hipag na si Pamela Arteche at mga kasambahay nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Gabriela Partylist Rep. Liza Maza, kapag patuloy na hindi nakipagkaisa si Rosales sa NBI, siya nga ang dahilan ng hindi kaagad pagpapalabas ng resulta ng imbestigasyon ng NBI.
Aniya, kung may delicadeza si Rosales, dapat ay siya mismo ang magtungo sa NBI at magsalita. (Ricky Tulipat)