MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Supreme Court ang paru sang siyam na habambuhay na pagkabilanggo sa isang ama na napatunayang ilang beses na gumahasa sa dalawa niyang anak na babae sa Aritao, Nueva Vizcaya mula taong 1993 hanggang 1997.
Inatasan din ng Hukuman ang akusadong si Lorenzo Layco na magbayad ng P180,000 danyos sa mga biktima na kapwa menor de edad pa nang pagsamantalahan niya.
Naunang ipinataw ng Nueva Vizcaya Regional Trial Court ang parusa kay Layco na inayunan din kinalaunan ng Court of Appeals.
Sinasabi sa rekord ng korte na noong 1997, natuklasan ng 11 taong gulang na biktimang itinago sa alyas na Nikka ang panggagahasa ng kanilang ama sa kapatid niyang 7-taong gulang na itinago sa alyas na Mica pagkauwi niya sa kanilang bahay.
Sinabi ni Nikka na inabutan niyang umiiyak si Mica habang naghuhugas ito ng plato at patayo umanong pinagsasamantalahan ng kaniyang ama habang nakatalikod.
Sa puntong iyon, isinama ni Nikka si Mica sa bahay ng isa nilang tiyahin upang doon manirahan at ibinunyag din ang ginawa ni Layco.
Ibinunyag din ni Nikka na ginahasa rin siya nang apat na beses ng kanyang ama noong 1993 kaya napilitan siyang lumayas at makitira sa mga kamag-anak.
Nadiskubre na mula nang lumayas si Nikka ay natuon naman ang panggagahasa ng akusado kay Mica mula 1993 hangang 1997.
Sinabi ng magkapatid na kapwa sila sinasaktan at pinagbabantaan kung hindi papayagan ang ama na maisakatuparan ang maka mundong pagnanasa.
Hindi kinagat ng korte ang depensa ni Layco na hindi siya ang gumahasa sa kanyang mga anak at sa halip ay idinahilan na maaring ni-rape ito dahil sa pagtira sa ibang bahay.
Lalo pang lumakas ang ebidensiya nang kumpirmahin ng medico-legal expert na nagkaroon na ng sugat at sobrang luwang na ng ari ng dalawang bata nang eksaminin ang mga ito.