MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Commission on Elections hinggil sa isang kontrobersyal na video na lumabas sa internet na may kinalaman sa umano’y lihim na pakikipag-transaksyon ng isang Comelec official sa mga kinatawan ng isa sa mga bidders para sa kanilang P11.2 billion poll automated contract.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, ina tasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang resident ombudsman para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing kontrobersiya.
Ipinaliwanag ni Melo na ito ay para matiyak aniya sa publiko na walang itinatago ang Comelec hinggil sa proseso ng bidding para sa mga makinang gagamitin sa automated polls sa May 10, 2010.
Maging ang bawat do kumento ng bawat bidder ay pinaiimbestigahan ng Comelec para makita kung may isiningit o idinagdag sa mga nilalaman nito.
Sa nasabing video nakasaad sa titulo na nasa loob umano ng CR ang mga kinatawan ng bidder na Gilat/F.F. Cruz habang lumalagda sa isang dokumento, at naghihintay naman umano si Comelec-Special Bids and Awards Committee chairman Atty. Ferdinand Rafanan.
Nagpahayag naman ng pagdududa si Melo sa nasabing video na kung titingnan aniya ay maaring kuha gamit ang cellphone camera at posibleng gawa ng kampo ng ibang bidder.
Dagdag pa ni Melo, hindi rin naman nakita sa nasabing video si Rafanan at tanging ilang lalaki na hindi pa rin malinaw sa kanila ang pagkakakilalan. Itinanggi na rin naman ni Rafanan ang naturang isyu. (Doris Franche)