4 university sa Pinas pasok sa top 200 sa Asia
MANILA, Philippines - Apat na nangungunang unibersidad sa bansa ang nakapasok sa listahan ng “Top 200 Asian Universities.”
Inokupa ng University of the Philippines (UP) ang ika-63 puwesto, ika-76 naman ang De La Salle University (DLSU), ika-84 ang Ateneo de Manila University at nasa 144 puwesto ang University of Santo Tomas (UST).
Nasa Top 5 ang University of Hongkong, Chinese University of HongKong, University of Tokyo (Japan), Hong Kong University of Science and Technology (HK), at Kyoto University (Japan).
Pinakamaraming pa aralan na nakapasok sa Top 200 ang Japan na may 58, sumunod ang South Korea na may 46 unibersidad, Taiwan na may 15, India na may 11, Thailand at Indonesia na may tig-8 at Malaysia na may 6 na unibersidad.
Sinabi ni Nunzio Quacquarelli, managing director, na ang resulta ng naturang rankings ay ibinase hindi lamang sa kalidad ng edukasyon ngunit maging sa mataas na produksyon sa pananaliksik kumpara sa mga ibang pamantasan sa Asya.
Duda naman ang mga opisyales ng UP sa kredibilidad ng naturang survey matapos na tumanggi umano ang mga organizer nito na ipakita ang mga detalyeng kanilang nakalap.
Posible umanong ginawa lamang ito dahil sa negosyo kung saan ipinapaupa ng QS ang kanilang serbisyo upang itaas ang rankings ng mga unibersidad.
Tumanggi naman ang Commission on Higher Education (CHED) na magbigay ng opisyal na pahayag sa naturang pag-aaral na kanilang inaanalisa pa. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending