MANILA, Philippines – Tahasang sinabi kahapon ng kampo ni Sen. Jamby Madrigal na may hawak silang mga dokumento na makapagpapatunay na kumita si El Shaddai servant-leader Mike Velarde ng P1.5 bilyon sa kontrobersyal na C-5 road extension project na nagdadawit din kay Sen. Manuel Villar, Jr.
Ang pagbubunyag ay sinabi ng legal counsel ni Madrigal sa ginanap na pulong ng Committee of the whole na gumagawa ng preliminary investigation sa paratang laban kay Villar.
Sa naturang pagsisiyasat, sinabi ni Atty. Ernesto Francisco Jr., kinatawan at abogado ni Madrigal, na may dokumento silang magpapatunay na nakasingil sa gobyerno ang Amvel Land Development na pag-aari ni Velarde.
Anang abogado, noong inilihis ang C-5 Road Extension Project, nakasingil ang kompanya ni Velarde ng halagang P1.2 bilyon mula sa P2.6 bilyong budget ng gobyerno sa C5 Link Expressway at R-1 Expressway Ext.
Tanging P1.8 bilyon lamang ang nagamit umano ng pamahalaan mula sa P2.6 bilyong original budget sa naturang proyekto.
“Umabot lamang sa P1.8 bilyon ang ibinayad sa mga may-ari ng lupang dinaanan ng kalsada sa original plan ng proyekto. Mula sa naturang halaga, umabot sa P1.2 bilyon ang naibayad sa Amvel Land Development na pag-aari ni Bro. Mike Velarde,” ayon kay Atty. Francisco.
Maliban sa Amvel, nabayaran din umano ng pamahalaan ang road right of way sa mga lupain na dinaanan ng proyekto kabilang ang SM Properties Holdings at Adelfa Properties.
Bukod pa sa P1.2 bilyon, sinabi pa ni Francisco na may kinita pang hiwalay na P300 milyon ang kompanya ni Velarde nang magkaroon ng panibagong paglilihis sa proyekto dahil nadaanan naman ang Multi-National Village sa ginawang daan patungong Sucat Road.
Nauna umanong ginawa ng Department of Public Works and Highways ang C-5 to Coastal Road Project na dadaan sana sa Barangay San Dionisio, ngunit hindi natuloy at muling inilihis ang proyekto na dumaan sa lupain ni Velarde.
“Kumolekta ang Amvel Land Development ng halagang P300 milyon sa bagong alignment ng proyekto noong 2007 – 2008,” ayon pa kay Francisco.
Nagmula umano ang naturang halaga sa P1.7 bilyong budget na idinagdag ng gobyerno bilang pambayad sa road right of way para sa ikalawang realignment ng daan partikular ang Las Pinas-Parañaque Link Road mula sa Sucat Road patungo sa Pulang Lupa, paliwanag ni Francisco.