MANILA, Philippines - Pinapurihan ni National Press Club President Benny Antiporda ang Task Force Against Political Violence and Extrajudicial Killings sa pamumuno ni Justice Undersecretary Ric Blancaflor sa maigting nitong kampanya laban sa mga political violence at extrajudicial killings sa bansa partikular na ang pagpatay sa mga mamamahayag.
Ayon kay Antiporda, pinasasalamatan nila ang TF211 sa pagtulong para maaresto, mausig at makulong ang mga killer ng mga mamamahayag.
Sa pinakahuling report na isinumite sa United Nations Human Rights Council ni Prof. Philip Alston, Special Rapporteur to the United Nation on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions, kinilala ang TF211 bilang instrumento sa pagresolba sa ilang kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi pa ni Antiporda na nakasaad sa ulat ang tatlong mahalagang accomplishments ng gobyerno, kabilang ang promulgasyon ng Korte Suprema sa writ of amparo at writ of habeas data; imbestigasyon ng Commission on Human Rights sa walang habas na pamamaslang at hakbangin ng TF211 para masawata ang political violence at extrajudicial killings sa bansa, partikular na sa media.