Krimen tataas sa pagdami ng tambay

MANILA, Philippines - Kaalyado na mismo ni Pangulong Gloria Maca­pagal-Arroyo ang nagba­bala kahapon na sigura­dong dadami lalo ang mga kriminal na kakambal sa pagdami ng tambay mata­pos maitala ang pinakama­taas na unemployment rate sa Pilipinas.

Sinabi ni Senador Ra­mon ‘Bong’ Revilla Jr., chairman ng Senate committee on public services, na siguradong marami ang mapipilitang gumawa ng krimen dahil sa kawalan ng trabaho.

Malinaw aniyang wa­lang mahanap na trabaho at pagkakitaan ang publiko kundi gumawa ng krimen.

“Ang isang walang tra­bahong padre de pamilya, ina o kahit ang may- edad nang anak nito ay maaaring desperadong magnakaw para matugunan ang ka­nilang pangunahing pa­ngangailangan, partikular na para maibsan ang kalam ng kanilang sikmura,”sabi ni Revilla.

Lumabas sa pinaka­huling survey ng Social Weather Station na 14 na milyong Pilipino na ngayon ang tambay o walang trabaho. Mataas ito kum­para sa 27.9 porsiyentong na katumbas ng 11 milyong tambay sa first quarter.

“Ilan sa ating mga unemployed ay maaaring humantong sa paggawa ng iba pang illegal na aktibi­dades gaya ng ilegal na sugal, ilegal na droga at maging prostitusyon. Kum­baga, kapit na sa patalim,” sabi ni Revilla.

Kinalampag ni Revilla ang gobyerno na madaliin ang paglikha ng trabaho o job creation programs para masawata ang paglobo ng kriminalidad at mabawasan ang dumaraming tambay. (Malou Escudero)

Show comments