Judge 'ginigipit' kay Lozada

MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Manila Metropolitan Trial Court Judge Jorge Emma­nuel Lorredo na ginigipit siya ng Malacañang para bitawan niya ang kasong perjury na isinampa ni da­ting Presidential Management Staff Chief Mike Defensor laban kay Rodolfo “Jun” Lozada na isang testigo sa maanomalya umanong national broadband project ng pamaha­laan at ng ZTE Corp. ng China.

Hindi nagbanggit ng pangalan si Lorredo pero sinabi niya na hindi siya magbibitiw sa kaso kahit may pressure sa kanya mula sa “itaas.”

Nanindigan si Lorredo na itutuloy niya ang pag­dinig sa kaso sa Mayo 28 at naniniwala siya na hindi niya dapat ipasa sa ibang hukom ang paghawak ng kaso.

Ginawa ni Lorredo ang pahayag dahil sa panawa­gan ni Department of Justice Secretary Raul Gon­zalez na dapat siyang mag-inhibit dahil sa mga opinion niya noong Mayo 4, 2009 na wala umanong kinalaman sa merito ng kaso. Ito ay matapos paya­gan ni Lorredo na sa Sena­do makulong si Lozada sa halip na sa Manila City Jail.

Idiniin din ni Lorredo na maaari din niyang ipata­wag sina Pangulong Arroyo at mister nitong si First Gentleman Mike Arroyo bilang mga hostile witness sa naunsiyaming national broadband network proj­ect na pinaniniwalaang ugat sa sinasabing pagdu­kot kay Lozada na nagre­sulta upang kasuhan ng perjury. Aniya, salig ito sa pinaiiral na rules ng korte sa pag­lilitis ng kaso.

Pinabulaanan naman ni Gonzalez na pinipres­ yur ng Malacañang si Lorredo.

Nilinaw ni Gonzalez na, nang sabihin niya na dapat mag-inhibit si Lorredo sa paghawak sa kaso, personal niya itong opinion at walang kinalaman dito ang Malacañang.

Show comments