Kano nanggulpi ng misis, ban sa Pinas
MANILA, Philippines - Ipinalagay sa blacklist ng Bureau of Immigration ang isang American national na umaabuso sa kanyang Pinay na asawa sa Floris sant, Missouri.
Batay ito sa liham na ipinadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Abril 30, kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan hinggil sa kahilingang i-ban sa pagpasok ng bansa ang isang Timothy Kent Boggess, 42, bilang undesirable alien.
Dahil dito, napalabas ng blacklist order si Libanan laban lay Boggess ng Florissant Missouri na huwag payagang makapasok sa bansa upang hindi makapambiktima pa ng ibang Pinay.
Inireklamo ng asawang Pinay ni Boggess ang pagmamaltrato sa kaniya kabilang ang pananakit at pagkakaroon ng ibang babae matapos silang ikasal. Lulong umano sa iligal na droga ang kanyang mister at mahilig sa pornograpiya.
Kasama sa request ng Pinay ang offense report ng Florissant Police Department kung saan sinaktan ni Boggess ang Pinay na asawa noong Nobyembre 23, 2008 at nagtamo siya ng mga pasa sa katawan nang kaladkarin papalabas ng computer room nang pakialaman niya ang computer ng mister.
Nag-isyu na rin ang DFA ng circular sa lahat ng Philippine posts sa ibayong dagat na huwag isyuhan ng visa si Boggess. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending