MANILA, Philippines - Demoralisado umano ngayon ang mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa anila’y pagpapabaya sa kanila ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Roberto Rosales matapos na ma suspinde kapalit ng umano’y pagpapatupad ng kanilang tungkulin hinggil sa Ted Failon case.
“Hindi na kami aasa pa sa kanya (Rosales) dahil inabandona niya kami,” saad ng mga pulis na nakabase sa Camp Karingal.
Magugunita na karamihan sa mga opisyal at tauhan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) na humawak sa kaso ni Failon ay sinuspinde ng 30-araw ng National Police Commission matapos na makitaan umano na nagkaroon ng harassment laban kay ABS-CBN anchor Ted Failon, mga kasambahay at sa mga kaanak ng nasawing asawa na si Trinidad Etong.
Ayon pa sa source, umaasa sila noon na tutulungan sila ni Rosales na sagutin ang mga kasong isinampa ng Napolcom sa kanila subalit subalit naiwan umano sila sa ere at napabayaan. (Ricky Tulipat)