4 Pinoy seamen sa Somalia, laya na
MANILA, Philippines - Nakalaya na ang apat na tripulanteng Pinoy na kabilang sa daan-daang hostage ng mga pirata sa Somalia matapos na makapagbayad umano ng milyong dolyares na ransom kahapon.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs, ang apat na Pinoy seamen ay kabilang sa 24 crew na pinalaya sakay ng British cargo ship.
Kinumpirma ng Foreign Minister sa Bulgaria ang pagpapalaya sa 24 tripulante lulan ng 32,000 ton na MV Malaspina Castle na binihag ng mga Somali pirates noong Abril 6, 2009 sa Gulf of Aden.
Magugunita na may 23 Pinoy seamen sakay ng chemical tanker na MV Stolt Strenght ang nakauwi sa bansa nitong Mayo 1 matapos magbigay ng $2.2 milyong ransom makaraan ang halos anim na buwang pagkakabihag.
Bagaman apat na Pinoy seamen ang napalaya, naitala sa humigit kumulang pang 100 Pinoy seamen ang hawak pa rin ng Somali pirates. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending