Bagong Doppler radars pipiliting mailagay ng PagAsa

MANILA, Philippines – Upang higit na mas maganda ang pagtaya ng panahon, pipilitin ng Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na makumpleto na ngayong 2009 ang paglalagay ng mga bagong Doppler radars.

Ayon kay Nathaniel Cruz, weather forecaster head ng PAGASA, mahalaga ang Doppler radar sa pagkuha ng accurate na taya ng panahon.

Sa pamamagitan anya ng Doppler radar, maaari na nilang matukoy kung saang lugar babagsak ang ulan na mahalagang mahalaga sa kanilang ginaga­ wang pagmomonitor sa lagay ng panahon.

Noon pang nakalipas na taon anya ay naibigay na sa nanalong bidder ang kontrata para sa P80-milyon per unit na Doppler radar at 6 hanggang 8 buwan naman ang ibinigay sa supplier para maitayo ito.

Sinabi ni Cruz na handa na umano ang gusali na paglalagyan ng Doppler radar at hinihintay na lamang nila na mai-deliver na ito.

Ang unang Doppler radar ay itatayo sa Pampanga habang ang isa naman ay planong ilagay sa Tagaytay.

Sa pagsapit ng taong 2010, makukumpleto na nila ang 10 doppler radars na ilalagay naman sa Cebu, Surigao at South Cotabato. (Angie dela Cruz)


Show comments