MANILA, Philippines – May pananagutan din umano si National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales sa naganap na “police brutality” ng mga tauhan na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa Ted Failon case.
Ayon kay Gabriela Rep. Liza Masa, kaila ngang maipatawag din ng National Bureau of Investigation (NBI) na humahawak ngayon sa Failon case si Rosales at maging ng National Police Commission upang magbigay linaw sa nasabing usapin.
Sinabi ni Masa na dahil sa “command responsibility”, lumalabas na may pananagutan si Rosales sa naganap na pagkaladkad at sapilitang pag-aresto ng QCPD police sa mga kaanak ng nasawing si Trina Etong, asawa ni Failon habang nag-aagaw buhay sa New Era Hospital sa QC kamakailan.
Nagpahayag pa ng pagdududa si Masa na ang ginawang brutal at hindi makataong pag-aresto ng mga miyembro ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Group (CIDU) sa pamumuno ni Supt. Franklin Mabanag sa mga kaanak ni Etong ay walang direktang kautusan mula mismo kay Rosales.
Sinabi ni Masa na ang QCPD ay nasa ilalim ng pamamahala ni Rosales kaya marapat lamang aniya na ang NCRPO ay siyang responsable sa insidente.
Sinang-ayunan naman ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna Party-list na dapat na maimbitahan sa anumang nagaganap na pagsisiyasat si Rosales upang sagutin ang isyu na may kaugnayan sa mga polisiya na kanilang ipinatupad sa paghawak sa kaso ni Failon dahil pa wala naman aniyang malinaw na pag-amin na ang NCRPO ang nagbigay ng direktang kautusan sa QCPD hinggil sa nasabing kaso. (Butch Quejada)