Acquitted na drug pusher muling nadakip ng PDEA
MANILA, Philippines - Balik sa dating gawi matapos na mapawalang sala sa kasong drug pushing ang isang hinihinalang drug pusher matapos na muli itong madakip ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ganito ring operasyon kamakalawa.
Ayon kay PDEA Director General Dionisio R. Santiago, kinilala ang suspek na si Tracy Lac-amen, alyas Bidong, miyembro ng Ayuyang Drug Group na nag-ooperate sa Cordillera Autonomous Region.
Sinabi pa ni Santiago, si Lac-amen, ay kabilang sa target list ng PDEA-CAR dahil sa operasyon nito ng illegal drugs. Narekober ng tropa sa suspek ang apat na sachets ng shabu na tinatayang tumitimbang na .2 gramo. Naaresto ang suspek matapos na makipagtransaksyon sa isang poseur buyer kamakailan sa New Lucban, Baguio City.
“Masuwerte itong Bidong na ‘to, eh… labas-masok na to sa kulungan. He was arrested four times in the past… three times for violation of RA 6425, 1 for violation of the new anti-drug law RA 9165. The cases against him were either dismissed or he was acquitted,” ayon pa kay Santiago.
Dagdag ni Santiago, hindi niya batid kung ano ang nangyayari sa mga kaso ng suspek dahil sa kabila nito ay malaya pa rin itong nakakagala. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending