Villar probe papabor sa mga presidentiable
MANILA, Philippines – Naaayon umano sa balak ng Palasyo ang ginagawang imbestigasyon ng Senado laban kay dating Senate President Manny Villar dahil pumapabor ito sa mga tatakbong pangulo ng bansa sa 2010 elections.
Ayon ka Sen. Alan Peter Cayetano, tagapagsalita ng minorya sa Senado, nakikisakay at ginagamit ng mga politikong nagbabalak tumakbo sa 2010 presidential election ang nasabing imbestigasyon laban kay Villar.
Kinondena din ni Cayetano sina Sens. Panfilo Lacson at Jamby Madrigal dahil sa maling paghahawak at pagdinig sa kaso ni Villar. Aniya, kung maiaayos ang rules sa naturang imbestigasyon ay tiyak na lalabas na inosente si Villar sa kaso dahil ang mga akusasyon laban dito ay nangyari noong hindi pa ito senador.
Malaki naman ang paniniwala ni Cayetano na taktika ni Lacson na buksan sa media ang imbestigasyon sa Lunes upang mapahaba ang pagdinig at durugin si Villar dito.
“Halatang tinahi-tahi ang reklamo kay Villar hanggang sa rules para humaba ang political hearings at kuyugin si Villar sa harap ng kamera at mapanood ng buong Pilipinas,” sabi pa ni Cayetano. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending