MANILA, Philippines – Matapos na ideklarang ineligible to bid ang anim na mga bidders kamakailan, diniskwalipika na rin kahapon ng Comelec-Special Bids and Awards Committee ang natitira pang bidder na Gilat-FF Cruz and Co. Inc dahil sa kabiguan nitong makapagsumite ng mga kaukulang dokumento.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, hindi na rin naman muling magsasagawa ng panibagong bidding ang Comelec para sa P11.2 bilyon poll automation sa 2010. Sa kabila naman nang pag-disqualify sa lahat ng pitong bidders, sinabi ng Comelec na masyado pang maaga para magdeklara ng “failure of bidding”.
Ayon kay Comelec SBAC Chairman Atty. Ferdinand Rafanan, naghihintay pa sila ng ihahaing apela ng mga bidders. Nagpasabi na aniya ang dalawang na-disqualify na bidders na Indra Sistemas S.A. at Avante International na maghahain sila ng apela.
Dahil dito, hindi pa aniya maituturing na tapos na ang bidding process kaya hindi pa maaring sabihing mayroon nang failure of bidding. Inaasahang lalabas ang kanilang hatol sa susunod na Linggo.
Aminado si Rafanan na isa sa mga ikinukunsidera nilang contingency plans ay ang pagbabalik sa mano-mano ng eleksyon sa 2010 sa sandaling wala talagang makuhang bidder. (Mer Layson)