MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Sen. Mar Roxas sa mga mamamayan na mag-ingat sa pagkuha ng mga bagong pre-need plans sa gitna ng patuloy na nararanasang financial crisis at pagsasara ng ilang kompanya dahil sa pagkalugi.
Sa hearing na isinagawa kahapon ng Senate Committee on Trade and Commerce na pinamumunuan ni Roxas, sinabi nito na hindi garantiya na matibay ang 22 pre-need companies na pinayagan ng Securities and Exchange Commission na pinapayagan pang magbenta ng kanilang mga pre-need plans.
Sinabi ni Non-Traditional Securities and Instruments Department Assistant Director Merle Joy Pascual sa mga senador na 22 kompanya ang pinayagan ng SEC na magbenta ng mga pre-need policy plans.
Pero tatlo sa nasabing mga kompanya, ang Cocoplans, Danvil plans, at AMA plans ay umamin na may kakulangan sila sa pondo at dalawa sa mga ito ay nagsumite na ng “build-up plans” upang maitala ang kanilang deficiencies.
Kaugnay nito, sinabi ni Roxas na dapat mismong manggaling sa SEC ang babala na huwag munang tangkilikin ang particular na kompanya ng pre-need. (Malou Escudero)