MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Department of Health at ng World Health Organization si People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao at mga kasama niya na ipagpaliban muna nang limang araw ang pag-uwi nila sa Pilipinas mula sa United States.
Ginawa ng dalawang ahensya ang panawagan nang makatanggap sila ng report hinggil sa pagkakaroon ng third generation human to human transmission sa Los Angeles, USA ang A(H1N1) influenza virus na dating tinawag na swine flu virus.
Kasalukuyan pang nasa LA si Pacquiao, ilang miyembro ng kanyang pamilya at iba pa nyang kasamahan kasunod ng matagumpay na laban niya sa Briton na si Ricky Hatton sa Las Vegas sa naturang bansa noong Linggo.
Takda sanang dumating sa Pilipinas sina Pacquiao sa Biyernes pero iminungkahi ni DOH Secretary Francisco Duque na huwag munang umuwi ang grupo ni Pacquiao makaraang mapaulat na isang tao mula sa Mexico at merong A(H1N1) ang nakapasok sa Los Angeles at nahawahan ang ibang tao rito. Isa anyang indikasyon ito na kumakalat na sa LA ang virus.
Sinasabi ng WHO na dapat munang maobserbahan ang grupo ni Pacquiao bago pauwiin sa Pilipinas para matiyak na hindi sila nahawahan ng A(H1N1).
Pinayuhan din ni Duque ang Pacquiao entourage na kung maaari ay huwag na silang lumibot o makisalamuha sa ibang mga tao habang nasa Los Angeles at sa halip ay magkaroon ng self-impose quarantine sa loob ng pitong araw.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Team Pacquiao para kumbinsihin sila na sundin ang kanilang rekomendasyon.
Nauna rito, isang engrandeng heroes welcome ang inihanda ng Maynila para sa pagbalik ni Pacquiao sa Maynila bukas dahil sa tagumpay niya sa kanyang laban kay Hatton.
Sinabi ni Duque na batay sa payo ng WHO, may limang araw ang kailangang hintayin para makita kung magkakaroon ng sintomas ng A(H1N1) si Pacquiao o sinuman sa kanyang mga kasama.
Samantala, hindi na matutuloy ang selebrasyon sa national day of celebration na idineklara ng Palasyo sa Biyernes para kay Pacquiao bunsod na rin ng payo ng WHO at DOH na i-delay muna ng 5 araw ang pag-uwi ng Team Pacquiao.