MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin kahapon ang singer na si Martin Nievera sa pub liko kaugnay sa pagkanta niya ng sariling bersiyon ng Lupang Hinirang sa laban ni Manny Pacquiao kay Ricky Hatton sa Las Vegas, Nevada noong Linggo na inulan ng batikos.
Ito’y kasunod ng pagsita sa kanya ng National Historical Institute na may paglabag sa batas ang ginawa niyang pagbabago sa tono at tempo ng pambansang awit.
“Sorry sa mga hindi nagandahan sa pagkanta ko at salamat na lang sa mga nagustuhan. Sa simula acapela ang kanta ko kaya lang sa parte ng may marchingtone, hindi puwede ang acapela kaya magkahalo,” ani Nievera sa isang panayam radyo.
Sinabi din ng actor-singer na nang kunin umano siya ni Pacquiao para umawit sa laban nito ay sinabihan siya ng Pinoy champ na bahala na siyang awitin ang Lupang Hinirang, depende sa istilo niya, kaya ang rendition niya ang narinig sa araw ng laban.
Aminado naman si NHI chairman Ambeth Ocampo na hindi niya napanood o narinig ang pag-awit ni Nievera noong Linggo dahil nasa provincial trip siya at nalaman lamang niya sa mga nagkuwentong nakapanood.
Ani Ocampo, kahit umano ilang beses na pinaalalahanan ang ilang artists, patuloy pa rin umano sa pagbabago ng tono ang mga ito sa pambansang awit.
Dapat daw may marching tones ang pag-awit at 2/4 ang beat at 53 seconds base sa orihinal na composition at rendition ni Julian Felipe.
Si Martin ay mabagal sa una at masyadong bumirit sa pagtatapos na isa umanong paglabag sa Section 37 ng Republic Act No. 8491, o 1998 Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Handa namang patawarin ng NHI si Nievera at pag-uusapan na lamang umano ang isyu. (Ludy Bermudo)