MANILA, Philippines – Tatlo katao na kinabibilangan ng isang turistang dayuhan ang kasalukuyang sinusuri sa isang ospital sa Cebu para matukoy kung nahawahan sila ng Influenza A(H1N1) na dating kilala bilang swine flu virus.
Hindi binanggit kahapon ng Department of Health ang pangalan ng tatlo pero isa rito ay dayuhang babae na nagmula sa Mexico.
Ayon kay Dr. Susan Madarita, director ng DOH-Central Visayas, nagpatingin kamakalawa sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang turistang babaeng dayuhan. Hindi sinabi kung ano ang nationality nito.
Sinabi ng dayuhan na nangangamba siya na meron na siyang A(H1N1) dahil nagkaroon siya ng ubo at trangkaso pagdating niya sa Pilipinas mula sa Mexico.
Ang Mexico ang napaulat na unang bansang sinalanta ng A(H1N1) influenza na nakamatay na ng maraming mamamayan doon at ikinasakit ng iba pa.
Sinabi ni Madarieta na kanila nang ipinasuri sa Research Institute for Tropical Medicine sa Manila ang mouth swab sample ng dayuhan.
Nakakuwarantina na sa naturang ospital ang tatlong pasyente.
Nilinaw naman ng hepe ng National Epidemiology Center na si Dr. Eric Tayag na hindi pa maituturing na merong A(H1N1) infection ang dayuhang babae. Isa pa lang anya itong kaso na iniimbestigahan.
Kasabay nito, pinalabas na sa Ninoy Aquino International Airport ang anim na pasahero na naunang pinigilan dahil nilalagnat sila. Napatunayang wala silang A(H1N1) virus.
Samantala, tatlong Pilipino ang napabilang sa mahigit 200 bisitang ipinailalim sa pitong araw na quarantine sa Hong Kong makaraang isa sa kanila na isang Mexican tourist ay napatunayang positibo sa A (H1N1) virus.
Unang nagpositbo sa A(H1N1) sa Hong Kong ang isang 25 anyos na lalakeng Mehikano.
Kasama sa nakuwarantina ang isang Pilipina, asawa nitong Australian at kanilang anak at isa pang Pilipina mula sa Cebu.
Sinabi naman ng Consulate officials na nasa mabuting kalusugan ang mga Pilipino.