MANILA, Philippines - Kasabay ng matinding laban nina Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao at Ricky “Hitman” Hatton sa Las Vegas, Nevada, dalawang magkasunod na sunog ang dumale sa loob ng Ninoy Aquino International Airport at Manila Domestic Airport terminal sanhi ng pagkasugat ng isang kawani kahapon.
Base sa report ng Manila International Airport Authority, unang sumiklab ang apoy sa Victoria Air Hangar sa Manila Domestic Airport na ngayon ay ginagamit na imbakan ng iba’t ibang spare parts ng eroplano.
Ayon kay Fred Vasquez, action officer on duty sa NAIA Command Center na nagsimulang sumiklab ang apoy sa hangar na nagmula sa isang make-shift stove sa hangar.
Nabatid ng isang Rolando de Vera ang nagsasaing nang tumaas ang apoy dahil sa paggamit nito ng isang bote ng ”high octane airplane gasoline.”
Habang inaantay na maluto ang kanin nang aksidente umanong matabig ng isang dumaang pusa ang bote na kinalalagyan ng gasolina na ginagamit sa eroplano kaya nasunog ang pusa.
Maging si de Vera ay napaso ng umaapoy na gasolina sa kanyang kanang kamay.
Nagpagulung-gulong naman ang nasusunog na pusa sa kisame hanggang sa mamatay sanhi upang kumalat ang apoy.
Agad na rumesponde ang MIAA firefighters team sa hangar at napigilan ang pagkalat ng apoy sa bubong dakong alas-11 ng umaga habang agad na dinala sa Manila Domestic clinic si de Vera na nagtamo ng minor burn.
Samantala, faulty electrical wiring ang sinasabing dahilan ng kasunod na sunog sa Cora Jacob’s boutique sa ikalawang palapag ng NAIA Terminal 1.
Sinabi ng mga empleyado ng botique na natunaw ang kanilang dimmer switch bunga ng short circuit na maaaring maging dahilan ng malaking sunog sa buong paliparan.
Mabilis na inapula ang apoy ng mga alertong empleyado gamit ang nakalagay na fire extinguisher sa loob ng botique dakong alas-12:10 ng hapon.
Wala namang iniulat na nasugatan sa ikalawang insidente ng sunog sa paliparan. (Ellen Fernando)