ZTE star witness binisita ni Chiz

MANILA, Philippines - Sorpresang bumisita kahapon kay NBN-ZTE whistle blower Rodolfo “Jun” Lozada si Senator Franciz “Chiz” Escudero sa kanyang detention cell sa Manila Police District-Warrant and Subpoena Section sa kasagsagan ng inaabangang Pacquiao-Hatton fight.

Si Escudero ay bu­misita kay Lozada ng walang anunsiyo at wa­lang kasama para mag­bigay ng kanyang suporta kay Lozada at upang personal na alamin ang kala­ gayan ng huli sa kanyang detention cell.

Naniniwala si Escu­dero na maging ang maybahay ni Lozada na si Violeta ay dumaranas ng pagdurusa para sa pani­nindigan ng kanyang mister sa “katotohanan”.

Ang mag-asawa ay kapwa nahaharap sa kasong perjury matapos ang ginawang “expose” ni Lozada.

Bilang isang abogado, sinabi ni Escudero na nakahanda siyang mag­bigay ng tulong na legal kay Lozada kung kaka­ilanganin nito.

Hindi nagpasabi ng pagdalaw si Escudero kay Lozada para maka­iwas sa mapanuring mata ng media at maakusahan pa ng nagpapa-“grand standing”.

Mas ginusto umano niya na bumisita kay Lozada habang abala ang publiko sa panonood sa laban ni Manny Pac­quiao. (Ludy Bermudo)

Show comments