MANILA, Philippines – Siyam na lugar sa bansa ang nasa ilalim ng signal no. 1 dahil sa bagyong Dante na patuloy na nananatili ang lakas habang mabagal ang pagkilos puntang kanlurang bahagi ng bansa.
Signal No.1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Burias Island, Southern Quezon, at Northern Samar.
Samantala, sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na humihina na ang bagyong Crising at isa na lamang itong low-pressure area.
Kahapon ng alas-10 ng umaga, si Dante ay namataan sa bisinidad ng Sorsogon at ngayong Linggo ito ay inaasahang nasa layong 50km ng timog timog silangan ng Virac, Catanduanes.
Samantala makakaranas ng pag-ulan sa lalawigan ng Quezon, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Palawan.
Maulan din sa Bicol Region, Northern Samar, Burias island at Southern Quezon at ang nalalabing bahagi ng Southern Luzon, Western Visayas at Western Mindanao ay makakaranas ng paminsan minsang pag-ulan. Ang nalalabing bahagi ng bansa ay maulap ang kalangitan na may manaka-nakang pag-uulan laluna sa hapon at gabi. (Angie dela Cruz)