MANILA, Philippines - Isasama na rin ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagtuturo ng paglalaro ng “chess” sa lahat ng pampublikong elementarya at high school sa buong bansa sa layuning maging numero 1 ang Pilipi nas sa naturang larangan sa buong mundo.
Ito’y matapos na isang “memorandum of agreement” ang pirmahan nina Education Secretary Jesli Lapus at National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero Pichay sa pagpapasok ng chess sa education system.
Ituturo ito sa elementarya mula sa ikatlo hanggang ikaanim na baitang sa ilalim ng araling Edukasyon sa Pagpapalakas ng Katawan at sa apat na baitang ng high school sa ilalim naman ng araling Physical Education.
Sinabi ni Lapus na napatunayan na ang paglalaro ng chess sa murang edad ay nakakatulong sa paghasa ng kaisipan ng isang bata, mas tumataas ang marka at mas madaling makaintindi ng mga aralin. (Danilo Garcia)