MANILA, Philippines - Aabot sa P90 milyon ang kailangan pondo ng Department of Health upang mapaghandaan ang posibleng outbreak ng H1N1 virus (swine flu) na sinasabing pumatay sa 168 katao sa Mexico.
Sa kanyang pagkikipagpulong sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na inatasan na niya ang kanyang Health Emergency and Management Department na magsagawa ng “comprehensive budgetary requirement” upang agad na mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang publiko sakaling maapektuhan ang Pilipinas ng “influenza”.
Ipinaliwanag naman ni Health Undersecretary Mario Villaverde na kailangang mabili ang karagdagang anti-viral drug na Oseltamivir, mga personal protective equipment tulad ng masks; gastusin para sa mga field operations at support services; at pondo para sa “critical” hospitals na pagdadalhan ng mga pasyente na infected ng virus.
Sakaling infected ng influenza ang isang tao agad itong dadalhin sa ospital. Ilan sa mga ospital na tatanggap ng pasyente na may influenza ay ang Regional Institute for Tropical Medicine sa Alabang, San Lazaro Hospital, Lung Center of the Philippines, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu, at ang Davao Medical Center sa Davao. (Doris Franche/Joy Cantos)