MANILA, Philippines - Upang mapigilang mas lalo pang maapektuhan ang industriya ng baboy, ipi nasya ng World Health Organization (WHO) na palitan na ang pangalan ng swine flu virus na kumakalat ngayon sa Mexico at iba pang panig ng mundo kung saan tatawagin na lamang ito sa technical scientific name nito na “H1N1 Influenza A” o AH1N1 flu virus.
Kamakalawa ay sinabi ng Department of Health (DOH) na tawagin na lamang na “Mexican flu virus” ang naturang sakit dahil naapektuhan na nito ang hog industry sa bansa.
Ang bagong polisiya ng WHO ay inilabas matapos na katayin sa bansang Egypt ang may 300,000 baboy noong Miyerkules sa kanilang lugar upang maiwasan umano ang swine flu bagama’t sinasabi ng mga eksperto na hindi sa pagkain ng baboy nakukuha ang virus.
Ayon kay WHO spokesman Dick Thompson, na ngangamba na ang agriculture industry at ang UN food agency dahil sa pagkakaroon ng maling impresyon ng mga consumers sa H1N1 Influenza A. Sa katunayan, marami na rin aniyang bansa ang nagpatupad ng ban sa mga pork products.
Sa Paris naman, sinabi ng World Organization for Animal Health na wala pang ebidensya sa kanilang lugar ng pig infection at wala ring nakikita pang patunay na may taong nakakuha ng virus mula sa baboy.
Samantala, wala pa namang nakikitang rason ang WHO upang itaas muli ang pandemic flu alert sa pinakamataas nitong antas na Phase 6.
Una nang itinaas ng WHO sa Phase 5 ang pandemic flu alert kamakalawa na nangangahulugan na mayroong sustained transmission ng sakit sa mga tao sa mahigit dalawang bansa. Sakaling itaas muli ito sa Phase six, isang senyales umano ito na nag buong mundo ay nasa ilalim na ng pandemic. (Doris Franche)