MANILA, Philippines - “Isusubo na lang ninanakaw pa!” Ito ang galit na reaksyon ni Senador Mar Roxas sa pagdinig ng Sena do sa P500 milyong anomalya sa noodles na ipinakakain sa mga estudyante sa school feeding program ng Department of Education.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagkaroon ng overpricing bukod sa walang dagdag na sustansya sa biniling mga imported na noodles sa nasabing programa.
Sinabi ni Roxas na dapat pananagutin ang mga sangkot sa programa makaraang humarap sa komite ang isang negosyanteng si Prudencio Quido Jr. na nagbunyag sa kahina-hinalang bidding para sa mga noodles. Nanalo sa bidding ang JEVERPS Manufacturing Corp. para siyang magsuplay ng fortified noodles with fresh eggs noong 2007 at 2008.
May 15 milyong pakete ng noodles ang binili sa ilalim ng naturang programa pero, ayon kay Quido, nalugi umano ang gobyerno ng mahigit kumulang P170 milyong piso sa kontrata sa JEVERPS noong 2007 at P251 milyon noong 2008.
Doble umano ng presyo ng karaniwang noodles ang binili ng pamahalaan sa JEVERPS.
Kung ang noodles sa merkado ay P4.50 kada 55g pakete, ang nabili ng gobyerno mula sa JEVERPS noong 2007 ay P18.00 kada 100-g pakete ng noodles na may “fresh egg” at noong 2009 naman ay P22.00 kada 100-g pakete ng noodles na may “fresh eggs and malunggay.”
Pero ang “fortified noodles with fresh egg noong 2007 ay wala naman daw kasamang “fresh egg” kundi “powdered egg” lamang ayon sa pagsusuri ng isang laboratoryo sa Vietnam.
Sa kaso naman ng noo dles na may “fresh egg and malunggay” noong 2009, sinabi ni Science and Technology Sec. Estrella Alabastro na wala pang sapat na suplay ng malunggay para sa produksyon ng ganito karaming noodles. Dagdag pa rito ang sinabi ng Food and Nutrition Research Institute na nasa “process of study research and development” pa lang ang ganoong klaseng noodles na may malunggay. (Malou Escudero)