MANILA, Philippines – Pinayuhan kahapon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Senador Manny Villar na magbitiw na lang sa puwesto bilang mambabatas kung tatanggi pa rin itong humarap sa committee of the whole na siya nang mag-iimbestiga sa P1.2 bilyong right of way ng C-5 Road project.
Ipinasya ng mataas na kapulungan na buuin ang sarili nito bilang Committee of the Whole makaraang kuwestyunin at tanggihan ni Villar ang awtoridad ng Senate Ethics Committee na naunang naatasang magsiyasat sa double insertion sa C-5 budget na kanyang kinasangkutan.
Sinabi ni Lacson na kung natatakot si Villar na humarap sa Committee of the Whole, pu wede na itong magbitiw sa puwesto upang makaiwas sa pagtatanong ng mga kasamahang senador.
Samantala, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na ninais niya na bukas o Huwebes simulan ang pagdinig ng committee of the whole na kanya ring pamumunuan.
Kampante si Enrile na dadalo sa hearing ang lahat ng senador at hindi ito iisnabin ni Villar upang linisin ang kanyang pangalan mula sa mga akusasyon. (Malou Escudero)