MANILA, Philippines – Pinayuhan kahapon ng Department of Health ang publiko na iwasan muna ang makipagbeso-beso at makipaghawak-kamay sa ibang tao dahil sa pangamba laban sa swine flu virus na naunang napaulat na kumalat at nagdulot ng sakit at kamatayan sa maraming tao sa Mexico at United States.
Napaulat hanggang kahapon na 100 katao na sa Mexico ang namamatay sa naturang virus.
Sinabi ng hepe ng National Epidiomology ng DOH na si Dr. Eric Tayag, bagaman wala pa silang natatanggap na ulat na umabot na sa Pilipinas ang swine flu virus, makakabuting iwasan ito dahil nakukuha ito sa hangin.
Sa katunayan anya, mas mabilis pang kumakalat ang swine flu virus kumpara sa Severe Acute Respiratory Syndrome na sumalanta sa China may ilang taon na ang nakaraan.
Subalit aminado si Tayag na wala pang gamot para sa nasabing sakit kaya pinapayuhan nito ang mamamayan na dapat palaging maghugas ng kamay at takpan ang ilong at bibig kung uubo.
Samantala, nilinaw ng Bureau of Animal Industry na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nalalaman ang pinanggalingan ng human cases ng swine influenza at wala pang makapagpatunay na galing ang naturang virus sa mga babuyan.
Sinabi na rin ni Dave Catbagan ng BAI, na bagaman may ipinatupad nang ‘ban’ sa mga baboy mula sa Mexico at U.S., walang inaangkat na buhay na baboy sa Mexico ang Pilipinas.
Nakabantay na ang mga quarantine officers sa lahat na mga seaport at airport at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Customs.
Tiniyak din ng opisyal na walang dapat pangambahan sa swine flu ang bansa dahil regular ang pagbakuna sa ilang babuyan.
Sinabi din ni Department of Agriculture Secretary Arthur Yap na ipinagbawal nila pansamantala ang pagpasok sa Pilipinas ng mga produktong karneng baboy mula sa Mexico at U.S. dahil sa ulat na dinapuan ng swine flu virus ang mga baboy doon.
Hinikayat ni Yap ang mga magbababoy sa bansa na pabakunahan ang kanilang mga alagang baboy.