Pumatay sa Medal of Valor: 5 pulis-NCRPO wanted na!
MANILA, Philippines - Inilagay na sa “wanted list” ng pulisya ang limang pulis na miyembro ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na pawang sinampahan na ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) ka ugnay sa ginawang pamamaslang sa isang kabaro na Medal of Valor awardee.
Ayon kay NCRPO Chief Chief Supt. Roberto Rosales, pawang mga “wanted” na sa kasalukuyan sina PO2s Borjan Jawali, Asmad Badlis, PO1s Said Wahid, Sukarno Adjod at Roderick Magsano na kabilang umano sa 18-katao na pumatay kay PO2 Jamaron Sandag.
Kasama ring sinampahan ng kaso sina Gamar Janihim, ang sinasabing utak ng krimen, Aljon “Junjun “ Pawai Sala, Haron Gacao alias Pahambong, Gaini “Gani “ Wadja, Asman Amilasan alias Abuel, Salim Janihim, Ramili Wahid, Jahim Payao, Hadji Mobin Payao, at Majid Adbulhaman alias Shariff Larudin.
Ayon kay Senior Supt. Isagani Nerez, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng NCRPO, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na alitan ng dalawang malaking pamilya ang motibo sa pagdukot at pagpaslang kay P02 Sandag noong February 25, 2009.
Sa nakalap na impormasyon, nagkaroon umano ng sabwatan ang 18 suspect upang dukutin si Sandag sa FTI Comp., Brgy. Western Bicutan, Taguig City ng petsang nabanggit.
Kasama ring dinukot ng mga suspect ang pamangkin ng biktima na pinalad na nakatakas at nagbigay ng impormasyon sa kabiyak nito na nasa Taguig Apartelle ang huli pati na ang mga una.
Nabigo naman ang mga kagawad ng Taguig Police na matagpuan ang mga suspect at biktima hanggang sa ikinunsidera ng awtoridad na “false alarm” ang naganap na hostage-taking.
Noong March 16, 2009 natagpuan na lamang ang naagnas na bangkay ni Sandag sa landfill ng Rodriguez, Rizal.
Batay sa imbestigasyon, pinatay ng mga suspect si Sandag upang ipaghiganti ang pamilya na kaalitan ng pamilya ng huli sa Zamboanga del Norte nong 13-anyos pa lamang ito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending