MANILA, Philippines - Ipinapanakot umano ni Senador Panfilo Lacson kay Senate President Juan Ponce Enrile ang napabalitang kudeta para sumunod ang huli una.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Senate Minority Leader Sen. Aquilino “Nene” Pimentel Jr. na nagpahayag ng paniniwala na ang mga ugong ng kudeta laban kay Enrile ay nagmumula rin sa hanay ng mayorya ni Lacson upang bigyan ito ng babala na maaari siyang palitan sakaling hindi sumunod sa gusto ng kanilang grupo.
“Palagay ko hindi naman nila dapat takutin ang Senate President na parang kung hindi sang-ayon sa aming pakay tanggal ka…pag hindi mo kami sinuportahan lagot. Hindi naman siguro tama yun na maging numbers game itong isyu ng Ethics na ito kay Sen. (Manuel) Villar. Ang isyu rito ay kung ano ba ang tama, yun ang dapat na gawin namin,” puna ni Pimentel.
Sinabi pa ni Pimentel na nawawalan na siya ng tiwala at pag-asa na makakakuha ng patas na hustisya si Villar na iniimbestigahan ng Senate Ethics Committee na pinangunguluhan ni Lacson dahil sa kontrobersiyal na double insertion sa budget ng proyekto sa C-5 Road.
Dismayado naman si Pimentel na maging si Enrile ay tila sumuway sa kasunduan ng mga senador na pansamantalang itigil ang bangayan sa imbestigasyon ng Ethics committee kay Villar.
Nauna rito, naging isyu ang ipinalabas na order ng komite na nag-aatas kay Villar na sumagot sa reklamo kahit hindi pa nagkakaroon ng kaukulang pagdinig.
Sinasabi ni Enrile na siya ang pumili kay Lacson at sa mga kasapi ng komite at parang inaamin niyang mali ang kanyang desisyon kung susundin niya ang hiling ng grupo ni Pimentel na balasahin ang komite.
Ngunit iginiit ni Pimentel na ang usapin sa Ethics committee ay hindi paramihan ng miyembro kundi ang pagpapatupad kung ano ang tama at naaayon sa “patakaran” ng komite na hindi sinunod ng grupo ni Lacson.
Inaatasan ng komite si Villar na magpaliwanag sa loob ng limang araw upang sagutin ang order matapos matuklasan ng ethics panel na “sufficient in form and substance” ang reklamo ni Sen. Jamy Madrigal laban kay Villar hinggil sa double inserition of fund para sa C-5 road project na nakapaloob sa 2008 national budget.
Iginiit din kahapon ni Sen. Alan Peter Cayetano na imposibleng may maganap na kudeta sa liderato ni Enrile gaya ng nais palabasin ni Lacson.
Sinabi ni Cayetano na walang kakayahan ang minority bloc ng Senado para magsagawa ng kudeta laban sa liderato ni Enrile.
Aniya, nagpapabango lamang si Lacson kay Enrile upang makuha nito ang pagtitiwala at suporta ng huli para manatili siyang pinuno ng komite.