MANILA, Philippines – Maging sa Baguio City ay dinala na ng Bureau of Immigration ang decentralization program nito upang makapagbigay dito ng trabaho at mapalakas ang lokal na ekonomiya.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, dinala sa naturang lungsod ang programa para umakit sa mga dayuhang bisita at negosyante, at lumikha ng maraming trabaho kung saan ito ang pangunahing misyon ng gobyerno sa gitna ng global economic crisis.
Mas magiging madali din aniya sa halos 800,000 turista at 100,000 dayuhan na karamihan ay Koreano na pansaman talang naninirahan dito na mabigyan ng serbisyo ng BI.
Sa pamamagitan ng SVEG, binigyang diin ni Libanan na maaakit ang mga dayuhang nakatira sa Baguio na magpasok ng puhunan sa iba’t ibang patok na industriya sa siyudad, na magreresulta sa dagdag na trabaho para sa mga residente dito.
Kasabay ng paglulunsad ng SVEG dito, inilunsad din ni Libanan ang Visa Issuance Made Simple (VIMS) process upang mapabilis ang proseso ng visa application sa BI field office dito.
Una ng dinala ng BI ang decentralization program nito sa Zamboanga City sa timog at Laoag City sa hilagang bahagi ng bansa. (Butch Quejada)