MANILA, Philippines – Mahigit isang linggo ng walang kontak sa Abu Sayyaf ang crisis management committee ng International Committee of the Red Cross (ICRC) habang hindi pa rin matagpuan ang nalalabing bihag na si Italian Eugenio Vagni.
Ayon kay Sulu Governor at ICRC Crisis Ma nagement Committee Chairman Sulu Gov. Abdusakur Tan, simula ng palayain ang ikalawang bihag na si Andreas Notter noong Abril 18 ay nawalan na sila ng kontak sa mga kidnappers.
Sinasabing si Vagni ay hindi na umano hawak ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad at naipasa sa ibang grupo ng mga bandido bagay na patuloy na bineberipika ng militar.
“We lost contact with the kidnappers,“ ani Tan na sinabi pang umaasa silang nasa ligtas na kalagayan si Vagni sa kabila ng gumagrabe nitong sakit na hernia o luslos na kinakailangan ng maoperahan bukod pa sa hypertension na pinangangambahang lumikha ng komplikasyon sa kanyang puso.
Nauna nang nagpalabas ng P500,000 reward si PNP Chief Director General Jesus Verzosa para sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Vagni matapos umanong abandonahin na ng kanyang mga kidnapper sa bahagi ng Talipao at Indanan, Sulu.
Sa kabila nito, iginigiit naman ng Joint Task Force Comet na pinamumunuan ni Major General Juancho Sabban na hawak pa rin ng mga bandidong Abu Sayyaf si Vagni.
Batay sa report sa apat na raid na isinagawa ng pinagsanib na elemento ng pulisya at Philippine Marines dakong alas-9 kamakalawa ay bigo silang matagpuan si Vagni sa bahagi ng Sitio Kansirun, Brgy. Mahala, Talipao, Sulu.
Sa halip ay apat na inabandong safehouse ng mga lider ng Abu Sayyaf ang natagpuan sa lugar.
Natagpuan rin ang dalawang non-engine Jungkung Type watercrafts at isang kulay dilaw na Toyota na walang gulong sa unahan.
Dahil dito, sinisilip ang posibilidad na na ilipat na ng lugar si Vagni at maaring wala na sa bundok.