LAOAG, Ilocos Norte, Philippines - Pinangunahan ni Bureau of Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang paglulunsad ng Special Visa for Employment Generation (SVEG) na nakapagbigay ng 1,113 trabaho sa larangan ng turismo at mining Industry dito.
Dinaluhan din ito ni House Speaker Prospero Nograles at ilang mambabatas at mga local executives kung saan pinapurihan ang BI sa naturang proyekto na umakit ng maraming foreign Investors sa bansa para makakuha ng maraming trabaho.
Kabilang sa mga sumaksi sa paglulunsad ng SVEG ay sina Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina, Isabela Rep. Edwin Uy, Cebu Rep. Antonio Cuenco, Tarlac Rep. Jesli Lapus, Negros Occidental Rep. Iggy Arroyo, Mountain Province Rep. Victor Dominguez at Ilocos Norte Rep. Roque Ablan.
Sinabi naman ni Nograles na malaki ang naitulong ng mga proyekto ni Libanan sa gitna ng krisis pinansiyal na nararanasan ngayon sa buong mundo.
Sa nasabing paglulunsad, 23-dayuhang employers ang tumanggap ng bagong visa na magbibigay sa kanila ng indefinite stay sa bansa dahil sa pagkakaroon ng hindi bababa sa 10 Pilipinong empleyado.
Target ng bagong job-generating visa na makalikha ng 100,000 trabaho sa unang taon nito, inilunsad din ni Libanan ang Visa Issuance Made Simple (VIMS) process sa BI Laoag Field Office bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga turista rito kasunod ng muling pagbubukas ng international flights sa Laoag International Airport kamakailan. (Butch Quejada)