MANILA, Philippines – May 65 maralitang bata na may bingot sa lungsod ng Caloocan ang naoperahan ng libre ng isang grupo ng mga banyagang duktor mula sa Australia at New Zealand sa ilalim ng Operation Restore Hope.
Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, ang mga naturang duktor ay sinamahan ng 10 volunteer surgeons at anesthesiologists mula sa Manila Central University Hospital at President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC).
Sinabi pa ni Echiverri na isinagawa ang “life-changing” na operasyon sa makabagong operating room ng PDMMMC. Bukod sa libreng hospitalisasyon, sinagot din ng lokal na pamahalaan ang mga antibiotics at gamot na kakailanganin ng mga pasyente.
Ayon naman kay City Health Officer at kasalukuyang PDMMMC Director Dr. Raquel So-Sayo, labis na ikinatuwa ng mga pasyente, pati na rin ng kanilang pamilya ang libreng operasyon dahil bukod sa inalis nito ang mga marka ng pagkakaroon ng bingot, ibinalik din nito ang kakayahan ng mga pasyente na magsalita ng normal.