MANILA, Philippines – Katulad sa House of Representatives, isinusulong na rin sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagpapataw ng corporal punishment sa mga bata katulad ng pamamalo at pangungurot matapos matuklasan sa isang survey na 85% ng mga batang Pinoy ay nakaranas nang pananakit sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Sa inihaing Senate Bill 3167 o Anti-Corporal Punishment Act of 2009 na inihain ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada, sinabi nito na kalimitan nang gumagamit ng corporal o physical punishment ang mga magulang sa Pilipinas sa pag-disiplina sa kanilang mga anak.
Kabilang sa mga maituturing na corporal punishments ang pamamalo sa pamamagitan ng kamay o kahit na anong bagay, pangungurot, pamimingot, pananabunot, pagsampal, pagsilid sa sako, pagsigaw at iba pang uri ng pananakit.
Sa survey ng Save the Children in the Philippines, 85% ng mga batang kanilang-na-survey ay nakaranas nang pananakit sa loob mismo ng kanilang tahanan, at 82% rito ay napalo sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa mga lugar naman na sakop ng UNICEF program sa bansa, lumabas na 60% ng mga kababaihan ay gumagamit ng isa o higit pang uri ng psychological o physical punishment sa pagdisiplina ng kanilang anak.
Sa survey na isinagawa sa mga mag-aaral. karamihan sa mga ito ay nakaranas ng verbal abuse o pagmumura na nagiging dahilan upang magkaroon sila ng mababang self-worth, depression, galit at aggression.
Ayon na rin umano sa mga tinanong na mga bata, hindi nila gusto ang nararanasang pananakit at umaasa sila na may ibang paraan o “non-violent ways” sa pagdisiplina.
Ituturing ding corporal punishment ang hayagang pagpapabaya sa mga bata at hindi pagbibigay ng kanilang pangangailangan bilang parusa. (Malou Escudero)