MANILA, Philippines – Inabandona na ng Abu Sayyaf ang maysakit na bihag nilang Italyanong si Eugenio Vagni dahil sa takot na maabutan sila ng mga puwersa ng pamahalaan na tumutugis sa kanila sa Sulu.
Sinabi kahapon ni Department of Interior and Local Government Undersecretary for Media Affairs Bryan Yamsuan sa isang pa nayam sa telepono na nakatanggap sila ng impormasyon na iniwan na ng mga bandido si Vagni matapos maka-engkuwentro ng Abu Sayyaf ang mga tauhan ng pulisya at civilian emergency forces sa Barangay Mahala, Talipao, Sulu noong Miyerkules.
Lumitaw ang naturang impormasyon nang magtungo sa Sulu sina Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa at DILG Secretary Ronaldo Puno para tignan ang sitwasyon.
Kasabay nito, nagpalabas ng P500,000 gantimpala ang PNP para sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Vagni, 62 anyos.
Kabilang si Vagni sa tatlong kagawad ng International Committee of the Red Cross na dinukot ng Abu Sayyaf sa Sulu noong Enero. Naunang nasagip ng militar ang mga kasama niyang sina Jean Lacaba at Andreas Notter.
Kasabay nito, pinayagan na ng ICRC Crisis Management Committee na pinangunguluhan ni Sulu Gov. Abdusakur Tan ang puwersa ng pamahalaan na simulan ang operasyon para sagipin si Vagni.
Kabilang sa magsasagawa ng rescue operation ang Philippine Marines, PNP, commandos ng Special Action Forces, CEF, at Light Reaction Team ng Philippine Army.
Sinabi ni Tan na pumayag na sila sa rescue operation dahil wala na silang mapagpipilian pa. Habang nagtatagal ang mga araw ay patuloy na gumagrabe ang kalagayan ni Vagni na may sakit na hernia o luslos.
Bukod dito ay dumaranas rin ng hypertension si Vagni, hindi na makalakad kung saan binubuhat na lamang ito ng tinatayang nasa 50 miyembro ng grupo ni Parad sa kagubatan ng Indanan.