32 pang partylists ipoproklama
MANILA, Philippines – Dahil sa pagdedeklara ng Supreme Court para sa karagdagang partylist representatives, nakatakdang magpulong sa linggong ito ang national board of canvassers ng Commission on Elections para maiproklama ang 32 pang partylist candidates na uupo sa Kongreso.
Ayon kay Comelec spokesman James Arthur Jimenez, kailangan ng makilala ng Kongreso ang iba pang mga partylist na hindi agad naiproklama ng Comelec.
Gayunman, wala pang partikular na partylist candidates ang makikinabang sa nasabing desisyon ng SC.
Pero kabilang umano sa posibleng umupo bilang kongresista si Bantay Partylist representative at retired Maj. Gen. Jovito Palparan.
Samantala, pinaboran nina Senador Juan Ponce Enrile at Mar Roxas ang nasabing desisyon ng Korte Suprema dahil matutuldukan na ang mga argumento kaugnay sa dapat na maging bilang ng partylist sa Kongreso.
Malaki rin ang paniniwala nina Enrile at Roxas na mababawasan ang kapangyarihan ng mga traditional politicians kung madadagdagan ang bilang ng partylist.
Anila, mas maisusulong ng mga partylist representatives ang interes ng taumbayan at hindi mga political issues gaya ang Charter change.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang nasabing desisyon dahil makukumpleto na ang 20% na representation ng mga partylist sa kabuuang populasyon ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.
Sa kasalukuyang Kongreso, 23 lamang ang kinatawan ng partylist kaya kinakailangang makumpleto ito ayon sa itinatakda ng Saligang Batas.
Pero sinabi ni House Speaker Prospero Nograles na nilabag umano nito ang Konstitusyon dahil daw sa 250 lamang dapat ang bilang ng mga representatives. (Doris Franche/Malou Escudero/Ludy Bermudo/Rudy Andal/Butch Quejada)
- Latest
- Trending