Presyo ng kuryente ibagsak! - Enrile

MANILA, Philippines - Namiminto nang buma­ ba ang presyo ng elektrisi­dad sa malapit na hina­harap. Ito’y matapos sopla­hin ni Senate President Juan Ponce Enrile ang mga senador na gustong mana­tili ang mataas na buwis sa kuryente at ang mga opis­ya­les ng Department of Finance.

Sa hearing kahapon ng Senate Ways and Means Committee na pinamumu­nuan ni Sen. Panfilo Lac­son, hayagang sinabihan ni Enrile sina National Tax Research Center executive director, Lina Isorena at Dir. Teresa Habitan ng DOF, na maging “praktikal” ang gobyerno at pakinggan ang panawagan ng mamama­yan na ibaba ang presyo ng kuryente at tubig sa bansa.

Tinalakay ng Senado ang SB 3147 at SB 3148, dalawang panukala ni En­rile sa pagbaba ng presyo ng kuryente sa bansa.

Sa ilalim ng SB 3147, aalisin na ang sandamak­mak na buwis na kinukubra ng gobyerno sa mga power distribution companies tulad ng Meralco at ipako na lang ito sa 3 porsiyento bilang ‘franchise tax.’

Ani Enrile, hindi dapat matuon ang pag-angal ng DOF sa kaltas-buwis dahil “mababawi” naman ito sa sandaling sumigla ang takbo ng eknomiya at mag­karoon ng ekstrang pera ang mamamayan na ga­gas­tusin sa sandaling bu­maba ang buwanang ba­yarin nila sa kuryente.

Sa pagtaya nina Habi­tan at Isorena, aabot sa P4 bilyon mula sa kabuuang P6 bilyon ang mawawala sa kaban ng gobyerno sakaling masunod ang panukala ni Enrile.

Subalit ayon na rin kay Lacson, “welcome” sa kan­ya ang panukala ni Enrile kasabay ng pagsasabing babalik sa gobyerno ang nasabing halaga o higit pa bunga ng “increase consumer spending.”

Sa ilalim naman ng SB 3148, aalisin na rin ng Senado ang sobrang singil sa buwis ng gobyerno sa “indigenous sources of energy” tulad ng natural gas at ipapako na lang ito sa 3 porsiyento.

Sa kasalukuyan, P1.42/kWh ng binabayaran ng taumbayan sa kuryente na gumagamit ng nat-gas bi­lang panggatong ay pumu­punta sa gobyerno bilang buwis.Tinataya namang umaabot sa P30 bilyon kada taon ang nakukubra ng gobyerno sa taumbayan bilang buwis sa nat-gas.

Sakaling maalis ito, inaasahan ni Enrile na sa franchise area pa lang ng Meralco, aabot sa P0.50/kWh ang matitipid ng mga gumagamit ng kuryente, na malaking tulong sa gitna ng matinding krisis sa eko­nomiya. (Malou Escudero)

Show comments