Villar palaban na!
MANILA, Philippines - Isang kakaibang Senator Manny Villar na “pala ban”, taliwas sa dating karakter na mapagtimpi sa harap ng mga pambabatikos ang gagawa pa ng ugong sa Senado matapos mapuno sa umano’y panlalait sa kanya ng ethics committee sa pamumuno ni Sen. Panfilo Lacson.
Ito ang paniniwala ni Cavite Rep. Boying Remulla na nakakakilala kay Villar. “Yang si Villar, hindi marunong magalit yan. Pero pag nagalit yan tuluy-tuloy,” ani Remulla.
Dahil dito inaasahang lalung iinit ang bangayan ng dalawang magkaribal na Senador na kapwa nag-aambisyong tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2010. Ayon sa isang impormante, malamang pasingawin ni Villar ang iba pang mga iregularidad na nalalaman niya tungkol kay Lacson.
Nagulat ang karamihan ng mga Senador sa ginawang rebuttal ni dating Senate President Manny Villar sa mga akusasyon sa kanya ni Sen. Panfilo Lacson sa isyu ng C-5 Extension at “ready made order” ng Ethics Senate Committee na pinamumunuan ng huli.
Nasorpresa ang lahat nang tumayo si Villar sa plenaryo ng Senado kamakalawa at sagutin punto por punto ang umanoy’ pambabastos na ginagawa ni Lacson at ilang miyembro ng Ethics Committee.
“Hindi tayo umaatras sa laban, walang taga-Tondo ang naghahanap ng away. Hanggang makakaiwas, iiwas ‘yan pero kapag ginipit mo na lalaban ‘yan. Tayo, hindi nakikipag-away sa mga kasama ko sa Senado, ipinagtatanggol ko lang ang sarili ko, ang dangal ng pamilya at ang buong institusyon ng Senado,” paliwanag sa media ng laking-Tondo na si Villar.
Kinasahan ni Villar si Lacson matapos iabot ng huli sa kanya sa plenaryo ng Senado ang “committee order” ng Ethics committee na nagdedeklarang “sufficient in form and substance” ang reklamo sa kanya ni Sen. Jamby Madrigal tungkol sa proyektong C-5 extension road.
Sa talumpati ni Villar, tinawag niyang “kangaroo court” ang komite na pinamumunuan ni Lacson at ibinunyag na noong 2002 ay mayroong desisyon ang Ethics Committee na pinamumuan ni dating Sen. Robert Barbers na nagrekomenda sa Ombudsman sa Department of Justice na kasuhan si Lacson dahil sa pagkakadawit nito sa mga illegal umanong gawain noong namumuno pa sa Philippine National Police at Presidential Anti Organize Task Force (PAOCTF).
Iginiit pa ng Nacionalista President (NP) na kaya niyang ipaliwanag at ipagmalaki sa publiko ang kanyang naipundar sa pagnenegosyo sabay hamon sa iba na: “Sila ba kaya nilang sabihin sa tao kung papaano sila yumaman,” hamon ng dating fish vendor sa Divisoria.
Isa-isa ring pinasadahan ni Villar ang iba niyang kritiko sa Senado tulad ng isang “may isang girlfriend na banat nang banat; isang taga-Bukidnon na may kasong legal; isang nagkukunwaring human rights defender; at isang sangkot sa krimen sa manipulasyon sa stock market ng Best World.”
- Latest
- Trending