MANILA, Philippines – Tinutulan ng ilang Obispo ng Simbahang Katoliko ang plano ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na muling tumakbo sa May 2010 presidential elections.
Ayon kay Bishop Martin Jumoad, tapos na ang kabanata ni Estrada sa pulitika kaya dapat na isantabi na lamang ng dating lider ang personal nitong ambisyon at huwag nang tumakbo sa halalan.
Sinabi ni Jumoad na, kung talagang nais ni Erap na magkaisa ang mga Pilipino, dapat na magsilbi na lamang itong “unifying force” para sa oposisyon at magkaroon na lamang sila ng isang “presidential contender.”
Iginiit pa ng obispo na tapos na ang kabanata ni Erap sa pulitika at dapat nitong ibigay na lamang sa isang magaling at bagong breed ng pulitiko ang pangarap na maging pangulo ng bansa.
Sa panig naman ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs, sinabi nito na “duda” siya kung dapat nga bang tumakbong muli sa halalan ang dating pangulo.
Pinayuhan niya si Estrada na tingnan at pag-aralan muna ang kanyang sariling sitwasyon at gayundin ang kanyang kakayahan upang mabatid kung ano ba talaga ang kaya pa niyang gawin para sa bansa. (Mer Layson)