3 pang Pinoy seamen dinukot sa Somalia
MANILA, Philippines - Sa kabila ng ibinabang kautusan kamakalawa ng pamahalaan na deployment ban sa mga Pinoy seamen sa Somalia, tatlo na namang Pinoy ang nadukot at naidagdag sa bilang ng mga hostages kahapon ng madaling-araw.
Kinukumpirma na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na tatlong Pinoy sa 10 crew ng Belgian-flagged Pompei ang kasamang tinangay ng mga Somali pirates.
Ayon sa report ng NATO fleet na nagpapatrol sa Gulf of Aden, nasabat at sinalakay ng mga pirata ang nasabing barko sakay ang 10 crew sa karagatang sakop ng Seychelles islands at saka dinala ang hinayjack na barko at mga bihag sa Somalia.
Kasama rin sa 10 crew na binihag ang apat na Croatians, dalawang Belgians at isang Dutch national.
Naitala na umaabot na sa 18 barko ang na-hijack o hawak ngayon ng pirata habang 310 ang seamen na bihag kabilang na ang mga Pinoy na umakyat sa 108 ang kabuuang bilang. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending