MANILA, Philippines - Nanindigan kahapon si Senate Minority leader Aquilino Pimentel na pa nahon na para balasahin ang ethics committee ng Senado.
Ito ay matapos umano itong maglabas ng report sa reklamong inihain laban kay Sen. Manny Villar bago pa nagsagawa ng deliberasyon kaugnay nito.
Sinabi ni Pimentel sa Weekly Kapihan sa Sulo sa Quezon City na hihilingin niya na magkaroon ng pagbalasa sa mga miyembro ng komite sa kanilang pulong na gaganapin ngayon.
Naging mainit na usapin nang maglabas ng report ang Ethics committee ni Sen. Panfilo Lacson at pinasasagot si Villar sa reklamong inihain sa kanya. Ang report ay ginawa noong Martes ng gabi, bisperas ng pagdinig sa reklamo.
“They should follow the rule. It is not good that the ethics committee is unethical,”ani Pimentel. “Wag naman na they disregard yung rules and they will do what ever they want to do.”
Naniniwala si Pimentel na iiral ang delicadeza sa pagdinig ng reklamo ni Villar at muling mag-i-inhibit dito si Lacson na siyang naunang nagsiwalat sa umano’y double insertion sa C-5 Road project. Hiling din niyang mag-inhibit ang iba pang pumirma sa report.
Ang report ay pinirmahan ni Lacson, Sens. Richard Gordon, Juan Miguel Zubiri at Gregorio Honasan. (Butch Quejada)