Chip Tsao bibisita sa Pinas
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na maaari nang makapasok sa bansa si Hong Kong Magazine columnist Chip Tsao matapos humingi ito ng tawad kaugnay sa kaniyang nailathalang artikulo na may titulong “The War at Home” na tumukoy sa panlalait sa mga Pinoy noong Marso 27, 2009 at pagbatikos sa iginigiit na claim ng Pilipinas sa Spratlys islands.
Tinanggal na umano sa blacklist order si Tsao alinsunod na rin sa naging rekomendasyon ni Department of Foreign affairs (DFA) Sec. Alberto Romulo matapos ang apology nito at ng editors ng nasabing magazine.
Matatandaang nai-ban sa bansa si Tsao ng BI subalit igiiniit noon ni Libanan na kung hihingi ng tawad ay pagbibigyan ito at sakaling lumibot sa magagandang lugar sa bansa ay siya pa mismo ang sasama sa pag-iikot nito upang mapalitan ang bansag na ‘nation of servants’ at sa halip ay matawag na niyang ‘nation of professionals’ ang Pilipinas.
Nagpahayag na ng interes si Tsao na bumisita sa Pilipinas, nang bumisita ito sa konsulada ng Pilipinas sa Hongkong kasunod ng paghingi ng apology. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending