Batas sa rent control pabibilisin
MANILA, Philippines - Nangako si House Speaker Prospero Nograles na patuloy na pabibilisin ang pagpapasa ng mga batas na magbibigay ng proteksiyon at kapakinabangan sa publiko tulad ng Rent Control Act of 2009 sa ilalim ng House Bill 6090.
Ang HB 6090 ay sumasakop sa lahat ng residential units sa National Capital Region at iba pang highly urbanized cities na may kabuuang buwanang renta ng hindi tataas sa P10,000 kada buwan.
Layon ng batas na ito na mapigilan ang mabilis na pagtataas ng renta sa bahay na masyadong magiging mabigat ang epekto sa mamamayan.
Ipinagmalaki ni Nograles na 37 national at local bills na ang naipasa sa ikalawang pagbasa noong Miyerkules sa loob lamang ng tatlong linggo at walong national bills ang naipasa sa Kongreso noong Lunes.
“Nangangako kami na magpapasa kami ng mga batas na ang makikinabang ay ang milyong Pinoy na mabababa ang kita at mga nabiktima ng global recession,” sabi ni Nograles.
Kasama ni Nograles bilang may akda ng HB 6090 sina Rep. Rodolfo Valencia, Deputy Speaker Raul del Mar, Reps. Pablo Garcia, Eduardo Gullas, Ramon Durano IV at Pedro Romualdo at pitong iba pang kongresista. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending