IMUS, Cavite, Philippines - Tiwala si Imus Vice Mayor Mandy Ilano na magiging kapaki-pakinabang ang dinaluhan nitong pagtitipon ng mga elite group ng mga youth government officials sa 2nd ASEAN Leadership Executive Program (LEP) para na rin sa patuloy na pagpapalakas ng sector nito sa kanilang munisipalidad.
Si Mandy ay kadarating lang mula sa Singapore at kumatawan sa bansa para sa nabanggit na pagtitipon na inorganisa ng National Youth Council ng Singapore at dinaluhan ng 35-outstanding youth officials at leaders.
Layon ng programa na palawakin pa ang kakayahan ng mga leader ng kabataan dahil malaki at importante ang ginagampanan ng mga ito saan mang bansa.
“Ang pagtitipon na yun ay nagturo sa akin na makisalamuha at kumuha ng mga pananaw at idea mula sa iba’t-ibang Asian leaders na magbibigay daan para makipag-ugnayan tayo sa kanila at maibahagi din nila ang magagandang proyekto at gawain nila sa kanilang bansa para sa ikagaganda ng ating youth sector,” ani Llano.
Kabilang din sa objectives nito ay payagan ang mga kalahok na magdagdag ng organizational development tools sa strategic planning at management ng kanilang organisasyon, gayundin ang pag-develop sa kanilang leadership at management skills sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad tulad ng seminar, workshops at leadership development courses.