MANILA, Philippines - Wala ng dapat ipag-alala ang may 137 Filipino bus drivers na bumagsak na walang trabaho sa Dubai dahil mayroon na silang magiging trabaho sa Qatar.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde, nahanapan ng trabaho ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang 137 Pinoy drivers na naloko sa Dubai.
Sinabi ni Remonde na inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Labor Sec. Marianito Roque na tulungan ang 137 Pinoy drivers na bumagsak na walang trabaho sa Dubai at kasuhan ang recruiters ng mga ito na CYM International Services.
Inutusan din ng Pangulo si Roque na iproseso ang employment ng mga driver sa Dubai o sa iba pang lugar sa Middle East.
Hiningan ng recruitment agency ng P150,000 placement fee ang mga Pinoy drivers kapalit ng magandang suweldo bilang bus drivers sa Dubai. (Rudy Andal)