MANILA, Philippines - Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga nagsisimba na huwag gawing beach ang simbahan kasabay ng pagbabawal ng pagsusuot ng mga seksing damit.
Ayon kay Bishop Leonardo Medroso ng Diocese of Tagbilaran, Bohol marami pa rin ang nagdadamit ng mga maiigsi at mga strap na damit na hindi angkop sa simbahan.
Aniya, dapat ding itama ng publiko ang damit na kanilang isusuot sa pagpasok sa simbahan kung saan haharap ka sa Diyos.
Partikular na tinukoy dito ang “short shorts” at ang mga backless na damit.
Binigyan-diin ni Medroso na ang simbahan ay place of worship at dapat na bigyan ng respeto at pagpapahalaga.
Iginiit ni Medroso na hindi na rin dapat pang ipinaaalala sa publiko ang tamang dress code sa pagpasok sa simbahan dahil sagrado ang lugar.
Sa katunayan umano maging sa mga kasalan ay pinaaalalahanan nila ang mga ito hinggil sa plunging neckline ng gown ng mga brides. (Doris Franche)